Saturday, March 2, 2013

Tatlong Tula Para Kay Ka Eden at Ka Eddie


Ganti I

ngayong dapit-hapon
sama-sama tayong magtitipon
sa paghahandang paggapas
sa mga nagsusulputang kugon.
at habang lumulubog ang araw sa kanluran
hudyat ito ating kanlungan.
kasamang
lulubog
ang ating pagkatao.
at bukas
masisilayan
sa silangan
ang
ka
li
wa-
nagan
magbibigay
wakas.
sa pinaglilingkuran.


Ganti II

nagsisigâ ang ating isipan.

malayang tinutupok
ang mga pangalan.

sa papel
na may mahabang listahan
ng mga umutang na buhay.

hindi tayo
titigil
sa pagninilay
hangga't hindi nagiging
abo ang kanilang
mga pangalan.

at sa pagpawi
ng apoy sa ating isipan
huhugutin
natin ang sundang
sa ating kaluban.

hahanapin natin
ang kanilang
katawan.



Ganti III

manipis na ang gabud
nang itigil ang pag-urong-
sulong sa sundang
bawat patak ng luha
sa panghasa'y nakalikha
ng kintab at talas.

sapagkat nagpasya na ang magtitibas.

batid nang
nagkukubli sa dilim
ang mga ahas.
hanggang sukdulang
ang sundang
ay ibalik sa kaluban
na may bahid ng dugo.
hindi aliw-iw ng pagtangis
ang hatid,
kundi katarungan.