Sunday, October 27, 2013

dumating akong tila isang tula sa iyo.

ang sabi mo'y dumating akong
tila isang tula sa iyo.
nang makita mo ang lampin―
na may burda ng pangalan ko
nang minsang naggagayak ka
ng mga gamit,
marahil, natunton mo na ang aking pag-iral.
kaya't sa bawat pagkikita'y
yakap natin ang ating galak.

ang sabi mo'y dumating akong
tila isang tula sa iyo,
kahit noon ay pabiro mong sinasabi-
na humahaba na aking sungay
habang ako'y lumalaki―
dahil hindi mo pa natutunton
ang lahat sa akin.

ang sabi mo'y hindi mo ako itinuturing
na isang tula sa tuwing ako'y nagpapaalam.
gayundin sa mga panahong
wala tayong ugnayan.
dahil ikaw ang tula na sa akin ay mag-uugnay
upang makabalik akong hindi lang isang tula―
sa iyo. at tulad ng unang iyak ng walang kaseng galak
sa pinakauna nating pagkikita.


09-01-13

sa bawat araw na hinhinitay ang pagsilang mo

natunton ko na ang pag-iral ng panahon
sa pansamantalang pamamalagi mo
sa aking pagkatao―
at ngayo'y hindi ko maihakbang
itong mga paang nakatanikala
sa tagimpan ng pag-uyayi ko
sa napakahinang tibok ng puso mo.

natunton ko na ang pag-iral ng panahon,
at ako'y nalulunod
sa hilahil―
sa bawat araw na hinihintay
ang pagsilang mo.