Wednesday, August 10, 2011

Paano Mo Binibigyang Buhay ang Bawat Salita?

Paano mo hinuhulma ang bawat salita?
Ito ba ay itinutugma sa pansariling kasikatan.
Bilang isang negatibong pananaw para mailapat sa pansariling kapakanan.
O ito ba ay isang tulay na binuo ng isang positibong liriko para maitawid ang bulag.

Paano mo binibigkas ang bawat salita?
Ito ba ay madilim?
Isang paraan para mahimok ang mga tumatago.
Ngunit paano ang mga sanay kahit walang tanglaw?
O ang blanko bang kulay ang magsisilbing liwanag para makita ang kasalukuyan.

Paano mo itinatago ang bawat salita?
Ito ba ay nakabaon sa lupa
Paano ang mga hinaing na naghihintay ng kasagutan
O natatakot ka lang sa kahihinatnan kapag naputol na ang sinulid na nakatahi sayong bibig.

Paano mo isinasapuso ang mga salita?
Ito ay ba matagal mo ng iniingatan at walang bahid ng kahalayan.
Ang bawat pintig ng kataga ay katumbas ng pagmamahal sa sariling ina.
O ang ginawa mong salitang nakakapukaw ay naghihintay ng kapalit.

Paano mo ginugunita ang bawat salita?
Ito ba ay paglusong sa hukay upang masabi ng karamihan na naaalala mo pa ang nakaraan?
Nagkaroon ng kwarto sa sulok ng utak para imbakan ng mga mahahalagang numero.
Ang pananalamin para makita mo ang sugat sayong pisngi.

At magsilbing tuldok  sa alaalang lumipas.

No comments:

Post a Comment