Friday, May 24, 2013

kung sakaling makalimutan man nila ang iyong pangalan


"tayo'y nagkakapit bisig sapagkat tayo'y nagmamahal―napopoot at nagkakaisa."

mga salitang inilarawan
ng iyong mukha―noong ika'y
ihatid sa tarangkahang hindi natin
itinuturing na kawalan.
nakangisi silang nagmasid
sa luksang hindi mahubad―silang mga walang alam
sa kasaysayan ng mga dugong dumanak sa kabyawan
na ang bawat pagpupumiglas
ng ating mga bisig ay nag-uumapaw ang poot.

lamang―kung alam lamang natin
na ang huli mong ngiti at pagpakat
ay huli mo na ring paalam
hindi salita ang aming itutugon;
isang mahigpit na yakap ng pagpupugay at pasasalamat.

oo, tayo'y nagkakapit bisig
sapagkat tayo'y nagmamahal―napopoot at nagkakaisa.
kaya't may hudya't ang bukas.
sa pagtagos ng bala ng baril
sa iyong likod
nang nagmantsa sa damit nila
ang tumilamsik mong dugo
at ang gatla ng kanilang
wakas.




Mapalacio, Hacienda Luisita
April 18, 2013
sa alaala ni Juancho Sanchez, 20

No comments:

Post a Comment