Thursday, May 23, 2013

Sitiskan



"If you die you're completely happy and your soul somewhere lives on. I'm not afraid of dying. Total peace after death, becoming someone else is the best hope I've got."

 —Kurt Cobain


Naalaala ko 'yong sinabi ni Lola—noong malakas pa siya, noong hindi pa niya nakakalimutan ang pangalan ko. Aniya, ang lahat raw ng tao ay maaaring mabuhay ng mahigit sandaang taon,dalawa, o higit pa sa—magpakailanman. Hindi ko maintindihan, paulit-ulit niyang sinabi habang pinupunasan niya ang likod ko.
Naikwento ko kase sa kanya na namatay ang tatay ng kababata kong si Lindle, pagkauwi ko galing sa paglalaro ng tumbang preso. Ganoon naman daw talaga ang buhay, hindi natin masasabi. Ikinumpara pa niya sa inaalagaan kong hipon na dala niya galing sa palengke at sa alaga kong puting daga. Ika niya, malawak ang pagkakaiba ng dalawa. Ang hipon raw na galing palengke na ibinubukod ko at inilalagay sa timba ay hindi magtatagal ang buhay, sapagkat nakalaan raw ito para iulam—kaya sa susunod raw na bumili ulit siya ng hipon ay hayaan ko na lang na lutuin niya. Nang sa gayon, hindi na raw ako malungkot ng ilang oras kung mamamatay ang hipon. Maikling panahon lang naman ang pagluluksa sa hipon na laging namamatay pagkaraan ng maghapon kumpara sa dagang puti na ilang buwan ko ring inalagaan. Ang pagkakaiba lang raw ng Tatay ni Lindle sa alaga kong daga ay maraming nagmamahal sa tatay ni Lindle at sa daga ko naman ay kami lang dalawa. At maaari pa ring bumili ng daga para alagaan upang maibsan ang lungkot kumpara sa Tatay ni Lindle—at maaari pa ring mabuhay ang Tatay ni Lindle depende sa mga taong nakapalibot sa mga alaala ng Tatay ni Lindle. Bahagya kong naintindihan si Lola hanggang mabihisan na niya ako.

At totoo pala ito, noong halos magkasabay akong iniwan ni Lola at ng isang malapit na kaibigan—si Reggie.

Bawat galaw ng kamay ng orasang walang kapaguran ay nakaantabay sa pagbalikwas ng bawat panghihinayang. At araw-araw ay nagbubuntis ng kalungkutan at nagluluwal ng pagtangis—ang mga araw na naghahanap pa rin ng kasagutan na hindi kayang sagutin ng hilahil. Hindi tulad ng hipon at dagang puti na pinaglalaanan ng oras para pakainin at laruin, literal na madaling ilibing. Sabi ni Lola—ganoon naman daw talaga ang buhay.

Masakit ang maiwan—o mas masakit ang mang-iwan? Lamang—kung makakausap ko si Lola—naitanong ko sana. Sayang, marami pa naman akong kailangang itanong, tulad ng paaano niya nakalimutan ang pangalan ko ngunit hindi ang aking tawa noong huli kaming magkausap sa hospital. At ihihingi ko ng paumanhin ang hindi pag-abot ng bitbit kong mansanas sa kanyang huling buntong hininga. Wala e, ganoon naman daw talaga ang buhay.

Tulad ng sinabi niya noon, maaaring mabuhay ang tao ng mahigit sandaang taon,dalawa, o higit pa sa—magpakailanman. At siya. At gusto ko ring mabuhay ng magpakailanman, o kung hindi man—hihingi ako ng ilang taon na maaari kong mapagkasya sa lahat-lahat ng kakulangan sa puwang na hindi ko pa magawang pagtagpi-tagpiin, at kung saan may pusong tumitibok at hindi katawang naaagnas sa katotohanang hanggang diyan ka na lang sa kinasasadlakang ganoon naman daw talaga ang buhay. 

At may kirot ito sa sulok ng aking damdamin at utak.


Dito galing ang litrato.



No comments:

Post a Comment