*pasintabi kay november drama sa pamagat.
nakahanay ang kanya-kanyang gutom
sa liwasang pinggan
ng mga may puting anino.
isang mahabang pilang uugod-ugod
sa pag-usad
kung pagmamasdan
sa tarangkahan
ay tila mga presong
may tangan na mangkok,
naghihintay sa pagsalok
ng nilalangaw na lugaw
sa labas, bilanggo ngang ituring ng mga mata
dahil sa bawat siwang ng bakal sa pultahan
mainam kung luha na lamang
ang pamatid uhaw
o kaya'y kanya-kanyang laway.
lasahan ang alat at pait
dahil mas malabo pa sa pusali
ang abiso ng pagpatak ng ulan
sa nakasahod na uhaw.
magt'yaga sa alat at pait
ng kanya-kanyang mga laway
hanggang abutan ng patay na oras
at pagtatapos ng programang
pantawid ng gutom sa loob ng isang araw.
at bukas,
may dahilan ka na.
para pumila sa ibang hanay
No comments:
Post a Comment