Tuesday, April 30, 2013

Mayo Uno


Kung Hindi Lang Sana Namamatay Ang Apoy Ng Kandila



"Hindi lang katawan niya ang nais kong makita, hinahanap ko rin ang kanyang puso't diwa-- nais ko ring maramdaman ang kanyang yakap at marinig muli ang kanyang tinig."

Sa tuwing may pumapanaw
at may naiiwan-
nakikita ko sa kanilang mga mata ang emosyon at pangungulila.
Nakikita ko
ang mga matang inaalipin ng luha.
Hanggang sa huli-
hindi sapat kung mata lang ng mga naiwan ang maghahatid sa huling hantungan.

Nais nilang isama ang kanilang puso at diwa.

Pero naisip ko
darating ang araw-
matatanggap din nila ang pagkawala ng mga mahal nila sa buhay.

Hindi naman panghabambuhay ang pagluluksa.

Hindi tulad ng mga nawawala.
Hindi sigurado sa pag-asang sila'y muling makababalik.

Sa bawat araw ng pangungulila-
Pananalangin at pagtitirik na lang ng kandila ang laging nagagawa.

Umaasang makikita ng mga mahal nila
ang liwanag ng kandila kung saan sila naroon.
At maging gabay upang sila'y makabalik.

Ngunit
sadya yatang nilikha ang nagngangalit na hangin
para sa putok ng baril at pagpapahirap.

Na umiihip sa apoy ng kandila
Na nagiging sanhi ng walang hanggang-

pagluluksa.


Para kay Jonas Burgos, Felix Moron at iba pang desaparecidos.

compromise

Then my heart stopped beating;
spine snapped and lungs collapsed.

Escape


I don't know you anymore, I wish I knew what's wrong
Can't we try to slam that door, start a brand new poem.

Monday, April 29, 2013

Untitled

muntik na akong maubusan
ng mga salitang
magbibigay pag-asa
sa pagdating ng maramot
na hustisya't laya--sa iyo.
dahil sa mga inilatag kong tanong
na humulagpos ang 'yong emosyon at galit.
*at pinindot ko ang stop button ng record

tumalikod
upang hindi mo makitang
inaalipin na rin ako ng aking luha.


*sa panayam sa asawa ni ka wilson at renato.

Sunday, April 28, 2013

What I Really Learned In Study Hall

So what will you say
When I tell you that your lifes like a book
It's torn and tattered sitting on a shelf
Where no one wants to look

Saturday, April 27, 2013

Holiday

maybe I can see you on the holidays,
but you're worlds away.

ASA

paulit-ulit
hanggang maging buto
at balat na lamang
na may pusong tumitibok. sa iyo.

Tuesday, April 23, 2013

Maari ka rin bang tanungin?




5th SONG




Tinanong ko dati sa kay Joe (too late the hero vocalist) kung bakit 5th song ang title ng kantang 'to, bukod sa ikalimang track ito sa HUMAN TRAGEDY ALBUM. Hindi siya sumagot.
Available pa pala ang album nila sa Delgic Lucena. Pero wala na akong balita sa Too Late The Hero. Isa sa mga hinahangaan kong pinoy punk.

Limang beses akong pumiyok noong tinugtog namin ito dati sa PUP.




Then, look at the star's.
Unang beses kong tumalon sa bagsakan sa parteng adlib. Epic, battle of the band sa Calauag Quezon. Talo kami. Show band ang mga nananalo. Show band rin pala ang mga hurado.
May kapangalan silang foreign band. Pero mas magaling ang Too Late ng Pinas.

Monday, April 22, 2013

Silverio Compound

Parang ganyan e, sinira na ang bahay mo; inagawan ka pa ng anak at inalisan ng karapatang mangarap.

Combatron

Naaalala ko si Combatron tuwing may nakikita akong nagyuyuturn sa Edsa.

Mob

Hindi ko alam kung bakit bigla akong napasama sa campaign ng AP sa Munti.. Basta ang alam ko, mob lang ang pupuntahan namin. Bigla na lang akong pinatula, at automatic na lumabas sa boses ko ang akbayan. akbayan inutil. Bilis ng pangyayari.

Sunday, April 21, 2013

kung hindi man sapat ang bawat kataga

kung hindi man sapat ang bawat kataga. sasapi tayo sa hangin.






litrato kuha ng stex.

Nang Sumugod sa Circle


Litrato kuha ni Charlotte

Vacant Period

Bigla kong naalala si Karding at ang pitong d'wende, at ang uniform ko noong high school. Gusto ko silang kumustahin at ituloy.

Pagamutan Ni Pepe

Habang tumatagas ang dugo ko,
tinanong mo--
kung meron akong limang piso.
Kamo, upang maampatan
ang naghihingalo kong pagkatao.
Ni hindi ko nga alam ang blood type ko,
dahil walang murang aparato sa nasasakupan mo,
tapos magagawa mo pang isapribado ang pagamutan sa bayan mo?

ano ka,
nakakaloko?

Junk VFA

i

ahas

dahil sa basbas
ng isang pangahas,

pipihit
papalapit

ang mapanganib na ahas

lilingkis
at lalason
sa 'yong;

kalayaan.


ii

huwag kang lalapit


Paulit-ulit ko nang hinabol
Ang aking hiningang
Kasing bilis ng kidlat
Nang hubaran ako ng prinsipyo
Paulit-ulit na rin akong namatay
Na mulat ang mata't
Umuungol
Sa loob ng kulungang
Tila hawla't ako'y ibong
Tumatanaw sa malakaluluwang
Kinakalawang na lipunan

Ilang ulit na rin akong
Ginahasa't
Pinagpasasaan
Pinagpasa-pasahan
Winasak ang puring iniingat-ingatan
Tulad ng maraming Nicole

Tulad ng maraming Nicole
Kaya't may tulad pang
Adriana Sangalang
o Gliceria Villavicencio
Na muli't muling babangon
Sa kinasasadlakang putik
Ng budhing sabwatang
Nakapiring sa mga bantang
Hindi lamang nakaamba

Narito sila,
Paulit-ulit pa ring inilalaan
Ang buhay na nagluluwal
Ng maraming Macario Sakay
Na naging imortal sa tula

Ng napakaraming Macario Sakay
Na naging imortal sa diwa

Tulad ng maraming Bonifacio
Lalaban
At babangon

Ano pa ba'ng ikinatatakot?
Kung naranasan na namin ang
Lahat ng pasakit
Pagkataong sakal
Sa hapdi
Ng mga tinamong sugat
Na hindi lamang lumatay
Sa aming balat;
Tumatak sa puso't isip
Ang lahat.

Kaya hangga't maaari
Huwag mong pangahasang tapakan
Ang lupang aming inaapakan
Hangga't maaari...


Huwag kang lalapit.

Apat Na Tulang Alay Sa Mga Manggagawang Bukid Sa Hacienda Luisita




i

Matapos ang gulo't pang-aapi ng mga tulisan-
ramdam ko ang siphayo ng kapaligiran.
Dumadampi sa akin ang hangin ng kalungkutan.
Humihiyaw ang isip ko.
Gusto kong umiyak.
Ngunit nadidiktahan ko pa ang aking mga mata-
na pigilan ang pagpatak ng luha.
Ayaw kong--

ipakita

ipadama

ibulong

ang kawalan ng pag-asa.
Pag-asang naglalaho dahil sa aking nakikita.
Napatigalgal ako sa nasusunog na kubo--
bahagya na ang ningas.
Ngunit ang usok na nagmumula dito ay tila isang pisi-
pumupulupot sa akin.
Mahigpit-
nahihirapan akong huminga.

Habang nauupos ang kubo-
nauupos ang aking pangarap
nalalasap ko ang hapdi.
Ngunit ayaw kong ipakita-
sa aking mga kasama ang kawalan ng pag-asa.

Napatigalgal ako sa naupos na kubo.
Ang mga haligi ay naglaho na.

Ang pawid ay naglaho na.

Ang mga gamit ay na-abo na.
Hindi na mapipigil--
papatak na ang luhang kanina ko pa inaalipin.
Ngunit, nilapitan ako ng aking kasama-
kanina pa pala ako pinagmamasdan.
Tapik sa balikat, ako'y kinausap.
"Hindi hadlang kahit kinakalawang na ang sundang--
kahit ito'y bingaw, wika nya.
Ang pagpapasiya nating kumawala sa tanikala ng kasamaan-
ang magsisilbing talim ng sundang;

para tarakan-

ang panginoon ng kasakiman."




ii

Inipon ng hangin ang mga tuyong dahong nalaglag mula sa puno.
Inilalarawan ang pagbulusok ngunit may pagkakaisa.
Masigasig ang hanging bumubulong-
humihiling ng panibagong rebolusyon.

Maraming dahon ang nalagas-
ngunit alam kong mas maraming pumalit.

"Alam kong babalik ang mga tulisan-
binibilang nila ang paglipas ng mga araw.
Mabango ang ating mga pawis-
naaamoy nila ang pagsibol ng ating pinaghirapan."
Huwag mabahala-
nakahanda tayo sa bawat pinsala.

Patuloy man dumanak ang dugo dahil sa digma
bawat dugong papatak ay didilig sa lupa,
sisibol at yayabong ang mga puno't magkakasanga.
Hahaba ang mga ugat na magiging sanhi ng pagkakaroon-
ng bitak at lamat sa sementadong daan
na kanilang tinatahak.

Hanggang sa-
sila'y hindi na makarating at tayo'y hindi na muling gambalain.

O
hanggang sa-
sila'y makasama sa pagkawasak ng sementadong daan.

Subalit hindi ko hihilalin ang panahon
gusto kong masaksihan
ang kapayapaang may katarungan-

walang karuwagan.

At
nakangiting sasabihing--
"ang dugong dumadaloy sa atin,
ang bumubuhay sa puno,
hangga't tayo'y nagkakaisa
humihigpit ang kapit ng ugat.
Hindi matutumba ang puno at ang pakikibaka-
tayo'y mga dahong hindi malalanta."


iii


matalas ang ningas ng apoy
sa nagliliyab na dayami
lantad ang talim
sa tulong ng dilim
hangin ang gabud
sa lumiliyab na dalangin

hindi lamang barikada ang talim
ipararamdam ng hangin
ang pangil ng lagim

pipihit

ang galit

papalapit

ang ebolusyon

n g r e b o l u s y o n

masusunog ang langaw ng mga langaw
magliliyab ang katawan ng mga kawatan
iitim ang dugo ng mga dugo
hindi makikilala ang ubo ng mga abo

tanging bakas lang ng lakas
sa liyab ng pagpupugay
ang mangingibabaw.


iv


Mataas na'ng sikat ng araw
Matapos mangibabaw
Ang palahaw ng tagumpay
Abo na'ng mga tulisang
Pinilit sakupin
Ang lupang kinagisnan.

"Pagpupugay!
Sigaw ng isang magsasakang
Nagpatunay
Na kailangang buhay mismo ang alay
Sa digmaan.

Sa susunod na ihip ng hangin....
                    mapapayad na'ng mga abo
                    nila't magiging pataba,
Sa lupang inaalayan natin
Ng laya."





Bolpen


Nagsimula akong mahilig sa pagsusulat noong 2003, siguro dahil obligado akong gumawa ng diary. Kailangang kumpleto bago makapagtapos ng 4th year para mapirmahan ang clearance. Kung anong konek? Hindi ko rin alam. Puro kabulastugan lang naman pinaglalalagay ko, pagtae, kung anong oras umihi, matulog, at iba pang power trip. Ang gamit kong ballpen: panda--na nagtatae dahil madalas kung iguriguri ang pagdodrowing tuwing time ng math namin noon, iginuguhit ko ang mukha ng teacher namin habang makamulagat.

Graduation, naaksidente ako sa motor. Wasak ang sapatos ko, pero walang sugat o maski gasgas ang dalawang paa ko, ang tatak ng sapatos ko ay Rusty Lopez. Pero sa katawan, marami akong sugat,yong iba;malalalim at pinahirapan akong matulog. Nawalan ako ng malay noon, walong tahi sa ulo at tatlo sa kamay. Limot ko na ang pangalan ng doktor. Ang pangalan ng naghatid sa akin sa hospital ay Kim. Swerte pa, kase nakaakyat ako sa stage kahit tumutulo daw ang dugo ko sa braso habang tumatanggap ng diploma. Sayang, hindi ko naisulat sa diary ko bago ko maipasa sa aking guro. Nawala sa bulsa ko ang ballpen ko pati ang 3310 na cellphone.

May nagbigay sa akin ng ballpen noong nagpapapirma ako ng clearance, naawa siguro dahil puro benda ako.

2004, nagsulat pa rin ako. diary pa rin hanggang 2006.
obligado dahil sa girlfriend ko.Nagpapalitan kase kami ng diary kapag nagkikita kami. Talong beses lang kaming nagkita simula nang mag-aral siya sa Maynila.

2007,walang dahilan para magsulat.wala ng kwenta ang diary. (bulong saken ng isang kaibigan)

2008, nakilala ko ang tula. kinikilala ako ng papel.


2009, 2010, 2011, marami akong nakilalang makata, hindi lang sa cyber space kundi sa personal, ang iba; naging malapit na kaibigan.'yong pinakamalapit na nakilala, nagbigay ng ballpen. At hindi lang basta pangkaraniwang ballpen, ballpen na may bayag.

Nawala ang ballpen ko sa kalagitnaan nang pagtagas ng dugo ng tinta nito.

2012, sa kalagitnaan. hindi na ako makasulat, nawala ang ballpen ko. Tinangay ng sariling pagtangis at pangamba sa isang taksil na YS. Akala ko,ililibing na'ko.

2013,maraming nagbigay sa akin ng ballpen. puro may talim.At alam ko na kung saan ko ito gagamitin.

litrato ni stum.

Ayaw Kong Iyong Makita Ang Aking Pamamaalam


sabi mo,
bawat pangamba'y
panganib
na nakaabang
ngunit hindi natin alam
kung kailan magpapasya.
sa mga panahong
inaalipin ng dilim
ang katahimikan.
at ang katahimikan
ay para lamang sa atin.
wari'y nais mong iparating:
na lagi akong mag-iingat.
dahil batid mong
ang katahimikan
ay maaaring maging ingay
sa panahong tayo naman
ang aalipin sa dilim.

hahanapin mo marahil
kung saan nanggaling
ang mga salitang iniluwal
ng ating bibig noong huli tayong-
magkita.
kaya't ayaw kong
iyong makita
ang aking pamamaalam.
ayaw kong isipin mo
na isang kasinungalingan
ang pagnanais kang makita.
kahit walang katiyakan
kung muli ka pang mapagmamasdan.

Error 404 (Freedom Not Found)


Where is freedom, where is liberty?
The righteous way I cannot see
The freedom to express is being stopped, they agree
to cut the string that holds expression and me
just to lead us astray in expressing our thought
and the right things that we understand and fought
and just the law we should understand and sought
but the truth is in the middle we are just caught
they insist the law of us to follow and obey
but that pushes our rights to decay
and now this task I am going to lay
for us to fight and shout Freedom we say
who do we look to if one our leaders
plagiarze and his speech and prefers
to merely sound great and receive cheers;

now, tell me and do it fast as you can be able
to whom the cyber crime law is really applicable?

Sa Mga Luma At Sa Mga Darating Pang Bagong Larawan




Lumaki ako at nagkaisip sa pangangalaga ng Lola ko, Nanay siya ng Tatay ko. “Nanay” ang nakasanayan kong itawag sa Lola ko, dahil siguro noong bulinggit palang ako ay “Nanay” ang lagi kong naririnig kapag tinatawag siya ni Tatay. Nabago pa’ng tawag ko sa kanya, naging Inay, Nanay Cute, (kapag hihingi akong pera para makapaglaro ng playstation kina Mang Nonong, malapit lang sa bahay ni Lola) naging Lola Nanay at hanggang sa naging highschool ako na ‘ko ay naging Lola na lang. Pero kung tutuusin ay napakarami ko pang p’wedeng itawag sa Lola ko, tulad ng wonder woman, super nanay, etc. Andami n’ya kaseng nagagawa at napakabait pang Lola.

Maagap siyang gumigising, 4am palang e gising na siya, ipinagluluto niya ako ng almusal. Ayaw n’ya kaseng pumasok ako sa school nang hindi pa kumakain dahil wala siyang tiwala sa mga meryendang ibinebenta sa labas ng school. At bago palang kami matulog ay tinatanong na niya ako kung ano ang almusal ko kinabukasan, “matik na ‘yon”.
Ipinag-iinit rin n’ya ako ng tubig para hindi masyadong malamig ang paliligo. Hinihiluran pa ‘ko. Plantsado pati polo kong kinula na’t inalmirol pa sa liwayway gawgaw. Kaya siguro noong elementary e “batang malinis” ang parati kong award. Pati sa paggawa ng mga assignments ay tinutulungan n’ya ‘ko, (huwag lang math).

Hindi ako makatulog kapag ‘di pa rin tutulog si Lola, panlawin kase ako. Noong tumira kase ang pinsan ko kay Lola e may multo daw sa kwarto, umuuga raw ng kusa ang kama n’ya. Ewan ko lang kung gawa-gawa lang niya ‘yon para magdasal ako bago matulog. Malapit sa Diyos si Lola, kaya natuwa s’ya sa akin noong nag-sakristan ako. Lagi siyang nangingilin kapag Linggo, wala naman kase akong pasok kapag Linggo kaya wala siyang abyarin kapag umaga. Namamalengke siya pagkalabas niya ng simbahan, paborito kong ipabili sa kanya twing Linggo ay hipon o kaya kimpi, at ang lagi kong bilin sa Lola ko ay “buhay” ang bibilhin n’ya, kumukuha kase ako ng dalawang pirasong hipon o kimpi at inilalagay ko sa planggana, instant pet, instant dead rin dahil pagdating hapon ay patay na sila, inililibing ko pa ‘yon sa bakuran namin at nilalagyan ko pa ng krus ang puntod nila, inaalis naman ng Lola ko kase nagmumukha raw sementeryo ang bakuran. At tuwing hapon naman kapag nasa school ako, pumupunta ang Lola ko sa mga dasalan. S’yempre kapag may dasalan.. may meryenda! Pero hindi kumakain ang Lola ko, itinatabi n’ya ‘yong meryenda n’ya, tapos ibinibigay n’ya sa akin pagdating n’ya sa bahay, egg sandwich palagi na nakabalot sa tissue pero masarap!

Ang sarap mabuhay sa piling ni Lola, pero sabi nga, lahat daw ay may hangganan. Naging mahina na ang Lola ko, naging sakitin at madalas na siyang lagging nakahiga. Third year high school na ako no’n nang magkasakit s’ya. Pero ‘di ko iniwan ang Lola ko, ‘di rin naman s’ya kinuha ng Tito ko. Siguro dahil walking distance lang naman ang bahay ni Lola sa bahay nila, madali akong makapupunta sa kanila kapag may nangyaring masama kay Lola. Kung sa amin naman e masyadong malayo. Hanggang sa naging ulyanin na si Lola. Maski sa pagtulog naming ay umiihi na siya sa kama. Kaya nagpasya na sila Tatay na dalhin na lamang sa hospital si Lola.

Nakarecover pa ang Lola ko, pero ‘di ko na siya kasama. Kay Tito na s’ya nanirahan, at sa sariling bahay na namin ako umuuwi kahit malayo sa school, ayaw ko kaseng magstay sa bahay ni Lola dahil wala akong kasama. Nadadalaw ko naman ang Lola ko t’wing tanghali, pero hindi ako nagtatagal sa bahay ng Tito ko. Hindi kase ako komportable doon at naiilang ako sa mga pinsan ko. Pinag-iisipan nila ako ng masama, kapag pumupunta kase ako sa kanila ay binibigyan ako ni Lola ng pera. Ako daw ang paboritong apo kaya sinasamantala ko ang kabaitan ni Lola. Sumama lalo ang loob ko sa mga pinsan ko dahil sa narinig kong allowance lang daw ang habol ko kay Lola kaya ako pumupunta sa kanila. Simula no’n, naging madalang na ang pagdalaw kokay Lola. Inisip ko na lang na hindi naman nila pababayaan si Lola.

Hanggang sa nabalitaan kong isinugod na naman sa hospital si Lola. Dumalaw agad ako, mahina na talaga si Lola, hindi ko na siya makausap nang maayos. Halos nadoble ang kanyang pagka-ulyanin. Ang tawag niya sa akin ay “Tato”, pangalan ng Tatay ko. Hindi ko matagalan ang pagtitig sa kanya, tila may isang karayom na tumutusok sa puso ko, pinipigil ko lang ang luha ko. Kaya hindi rin ako makatagal sa hospital.

Bakasyon na kami noon nang sinabi sa akin ng pinsan ko na inilabas na raw sa hospital si Lola, s’yempre bigla akong sumaya. Pumunta agad akong palengke para bumili ng prutas para ibigay kay Lola.  Pero pagdating ko kina Tito ay wala na pala si Lola. Kaya lang pala siya inilabas sa hospital kase patay na siya. Akala ko nakarecover pa s’ya. Ansakit sa pakiramdam, naibato ko sa pader ang mga prutas na dala ko, pero wala naman akong magagawa kundi tanggapin ang katotohanan. Tulad noon, hindi ako umiyak. Hindi.

Hanggang sa mailibing na si Lola, ‘di ko alam na may tampo pala sa akin sila Tatay. Mas inuna ko pa raw ang iba at mas iniyakan ko pa raw ang kaibigan kong kamamatay lang din. Hindi na lang ako kumibo, sana, alam nila kung gaano kasakit para sa akin ang pagkawala ni Lola.

Ngunit hanggang ngayon, para sa akin ay hindi lamang siya isang alaala, siya’y tanglaw sa isang madilim na daan.

Madalas ko ring dalawin ang kanyang puntod para kausapin s’ya. Lalo na kapag problemado ako at sa kanya ko lang maaaring sabihin ang mga hinanakit ko, na siya lang ang nakakaintindi sa akin, na siya lang ang p’wede kong iyakan.

Kayrami pang nais kong itanong, at sana hindi siya magalit sa tinatahak kong landas. Alam kong mauunawaan niya ako kahit dumating ako sa pinakaayaw niyang sitwasyon. At alam kong hahanapin ako ng Lola ko kapag nawala ako, siya lang ang makakaalam, magkakasama kaming muli, at muli kaming iluluwal sa isang tulang walang pagluluksa.

Luisita

nasaksihan niya kung paano
pinapahirapan ang kanyang mga kasama.
napapikit na lang siya
umusal ng dasal
habang namumuo ang luha
sa kanyang mga mata'y
nagiging garalgal ang kanyang panalangin.
nang marinig niya ang putok ng baril
hindi na niya natapos ang kanyang panalangin.
pag-iyak na lang ang naitugon
sa putok ng baril na kanina lang ay nagtanong.
magkasabay pumatak
ang kanyang luha
at ang dugo ng kanyang mga kasama
sa lupa.

Sa Istasyon Ng Panaginip at Sa Mga Nag-aabang Na Bangungot


bawat gabing inaanyayahan
ang aking sarili-- na ipagtanggol
ang nagmamaktol na kalamnan
at utak na pumupurol.
kaydaling sabihin ng iba: tumatandang paurong.
ngunit, kaybigat ihakbang pasulong
nitong mga paa.
tahakin ang daanang nagsibulan ang patibong
na ako mismo ang nagpunla
sa pagbagtas sa madilim na hinaharap
upang iwanan ako ng sarili kong anino
na sana'y bumatok sa sarili ko,
wala na yatang natitirang respeto.

malayo pa nga itong umaga,
napakalayo.
hindi kailangang tantyahin
kung maaari pang itama ang pagkakamali
ng napakarami pang pagkakamali
sa bawat pakikipagtunggali.

Pi-yu Sanken Garden

isa rin palang paglalakbay
ang pagpunta sa dulo
ng kasinungalingan
na walang tama't tiyak
sa bawat hakbang
sa pagsabay sa iyong-
mga hakbang.
liban sa ngiting
itinapon natin
sa lalakeng nagpa-power trip
sa entrance ng UP.

kaswal na mga alaala
paboritong awtor at makata
hapyaw sa buhay ng bawat buhay
kung paano naligwak sa gustong abutin
at sabihing:
hindi ito para sa akin.

isang mahabang kwentuhan
na walang nais matapos
bawal ang patlang
maliban sa tawanan

sayang,
hindi ko nabilang
ang mga hakbang
mula sunken garden
hanggang labasan
nasabi ko sana
kung ilang beses akong sumaya
bago ka magpaalam.

Hindi Ito Ang Tulang Hinahanap Mo

marahil, hahanapin mo
sa tulang ito
ang talinhagang papatok
sa literatura ng mga-
premyadong makata't manunulat.
mga tugmang sinukat
sa pamantasan
ng matatayog sa sarili.

wala sa tulang ito
ang hinahanap mo.
wala sa bawat taludtod
o metapora
na kung papaliha'y
walang matitira,
maski pamagat.

at hindi mga bulaklak
na namumukadkad
o pagroromansahan
ng dalawang nag-iibigan
ang imaheng makikita
sa tulang ito.

walang libog.

ano nga naman ba
ang tulang ito para sa iyo?
na naglakbay
sa kung saan-saan;
sa matataas na talahiban
sa lupang sakahan
sa picket line
sa pabrika ng mga ganid
sa giniba-gibang bahay
sa giniba-gibang pangarap.

wala sa tulang ito
ang hinahanap mo.
'yong tipong
maaaring isabit sa dingding
at pupurihin ng mga kainuman
tuwing may hapi-hapi kayo.
at hindi ito maaaring bigkasin
habang nagkakape kayo ng prof mo
sa starbucks.
o dili kaya'y sa poetry reading
na tinatawag mong listening party.

wala talaga sa tulang ito
ang hinahanap mo.
hindi ito pwedeng isama o isali
sa mga patimpalak
o maski saang palihan.

alam kong sasabihin mong:
slogan ang tulang ito.

isang mahabang slogan.

malaya kang tawaging-
slogan ang tulang ito.

dahil ang tulang ito'y-
pinalihan kasama ang masa.
sa mga araw at gabing may takot-
at panganib na nakaamba.

hindi lamang dahil-
nakapanood ng rali,
nakisunod sa uso
naki-harlem shake
o kung ano pa man
kaya naging tula
itong tula
na maaari ring
hindi mo tawaging

tula.

hindi ito tulang iniisip mo
tulad ng malikot mong imahinasyon
at mga abstract na bagay.

oo.
hindi talaga.

isang mahabang slogan
at isang paglalakbay
ng mga salita
na hindi maaaring huminto't magpahinga
hangga't walang laya
itong tula
sa malaya mong pagtula.

May Naiwan Sila

magkasabay silang pumasok
sa aking kwarto.
dinig ko ang bawat yabag
palapit sa akin.
kinuha nila ang aking
mga mata at tenga.
tulad ng aking paningin, magkasabay rin
silang nilamon ng dilim.

"sana, tinangay n'yo na rin
ang hapdi ng aking pagkatao."

alam ko, sinabi ko.
alam ko
sinabi ko
pero alam kong
hindi sila lumingon
sa kabila ng aking pagsamo.

nakalimutan ko,
tinangay rin nga pala nila
ang aking boses.

Nang Magtagpo-tagpo Ang Mga Larawan Sa Panaginip Na Hinangad Na Maging Bangungot

parang mga kaibigang
matagal na hindi nagkita
ng ilang taon
na nagkumustahan
ang mga lumang larawan
at inaaninag na kasalukuyan.

tulad rin ng imaheng palaisipan
na mayroong isang puwang
na hindi malapatan
ng kasagutan.

marahil,
ang paghahangad
na maging bangungot
ang bawat panaginip
dahil sa pumupurol na isip
kaya't lumalabo
ang parating na
bagong larawan.

ang mga larawang
walang
katiyakang
iluluwal kung darating
pa ang bukas
na sa bawat kumpas
ng oras ay maaari ring
kumupas.

parang mga kaibigang
matagal na hindi nagkita
ng ilang taon
na nagkumustahan
ang mga lumang larawan

malapit na ang umaga
nang maaninag kong
hindi ako nag-iisa
sa isang larawang
napulot ko sa aking panaginip.

ayaw ko munang magising
hindi dahil hinablot na ako ng bangungot.

gusto ko lang iwanan ang poot
at gunitain
ang mga lumang larawang
may tawa't ngiti.
at sa paggising
ay maging baon
sa pagbangon
sa muling paghipig
ay may pag-ibig
na lalapat
at nararapat
lamang
sa puwang
sa imaheng palaisipan

ng aking panaginip
na hindi ko na hahangaring

maging
bangungot.

Water Cannon

Kagabi, tinakpan ko ang balita sa pamamagitan ng paghiga, nanaginip ako, binomba raw ako ng water cannon. May sipon ako paggising, at masakit ang likod.

Prediction This Summer (2011)

Dahil subrang init ngayong summer ay meron kaming top 10 predictions.

1. May bishop na maaring ma-heat stroke dahil sa init ng debate sa RH BILL. Sino? Secret walang GLUE.

2. Maglalabas  ng NBA 2K12 para sa mga PSP. Bakit? Sa PSP lang para kahit saan ay pwede mong
mabitbit ang PSP para maglaro ng DALLAS vs. L.A. Kung saan laging tatambakan ng L.A ang Dallas sa playoff game mode.

3. Magkakaroon ng roll back sa gasolina, pero tataas ulit after 1 minute.

4. Victory party ni Chavit at Manny, pero mas victory si Chavit. You know?

5. Maghahapit ang mga taga LTO sa panghuhuli dahil sa subrang init. Kailangan nila ng budget sa
beer house para magpalamig ng itlog.

6. Maraming Mayor ang magpapagawa ng tarpaulin para bumati ng "happy circumsize."

7. May mga Konsehal nang bayan ang eeksena sa mga liga sa Barangay kahit mainit, para mamigay
ng bola. May mahahabang speech na maririnig kahit matagal pa ang eleksyon.

8. Dahil sa subrang init, puputok ang bulkang taal. Pero sa awa ng Diyos, sa House of Representative lang ito babagsak.

9. Tataas ang presyo ng condom.

10. Puputi si Binay dahil sa subrang init.

Saturday, April 20, 2013

Untitled

yong pakiramdam na parang dinudurog ang buong pagkatao ko, tanaw ko ang azucarera de tarlac na nag-uusok habang sakay ng trayk pabalik ng maynila. pakiramdam ko, wala akong nagawa sa ilang araw na pamamalagi doon, kahit meron.