Sunday, April 21, 2013
Sa Mga Luma At Sa Mga Darating Pang Bagong Larawan
Lumaki ako at nagkaisip sa pangangalaga ng Lola ko, Nanay siya ng Tatay ko. “Nanay” ang nakasanayan kong itawag sa Lola ko, dahil siguro noong bulinggit palang ako ay “Nanay” ang lagi kong naririnig kapag tinatawag siya ni Tatay. Nabago pa’ng tawag ko sa kanya, naging Inay, Nanay Cute, (kapag hihingi akong pera para makapaglaro ng playstation kina Mang Nonong, malapit lang sa bahay ni Lola) naging Lola Nanay at hanggang sa naging highschool ako na ‘ko ay naging Lola na lang. Pero kung tutuusin ay napakarami ko pang p’wedeng itawag sa Lola ko, tulad ng wonder woman, super nanay, etc. Andami n’ya kaseng nagagawa at napakabait pang Lola.
Maagap siyang gumigising, 4am palang e gising na siya, ipinagluluto niya ako ng almusal. Ayaw n’ya kaseng pumasok ako sa school nang hindi pa kumakain dahil wala siyang tiwala sa mga meryendang ibinebenta sa labas ng school. At bago palang kami matulog ay tinatanong na niya ako kung ano ang almusal ko kinabukasan, “matik na ‘yon”.
Ipinag-iinit rin n’ya ako ng tubig para hindi masyadong malamig ang paliligo. Hinihiluran pa ‘ko. Plantsado pati polo kong kinula na’t inalmirol pa sa liwayway gawgaw. Kaya siguro noong elementary e “batang malinis” ang parati kong award. Pati sa paggawa ng mga assignments ay tinutulungan n’ya ‘ko, (huwag lang math).
Hindi ako makatulog kapag ‘di pa rin tutulog si Lola, panlawin kase ako. Noong tumira kase ang pinsan ko kay Lola e may multo daw sa kwarto, umuuga raw ng kusa ang kama n’ya. Ewan ko lang kung gawa-gawa lang niya ‘yon para magdasal ako bago matulog. Malapit sa Diyos si Lola, kaya natuwa s’ya sa akin noong nag-sakristan ako. Lagi siyang nangingilin kapag Linggo, wala naman kase akong pasok kapag Linggo kaya wala siyang abyarin kapag umaga. Namamalengke siya pagkalabas niya ng simbahan, paborito kong ipabili sa kanya twing Linggo ay hipon o kaya kimpi, at ang lagi kong bilin sa Lola ko ay “buhay” ang bibilhin n’ya, kumukuha kase ako ng dalawang pirasong hipon o kimpi at inilalagay ko sa planggana, instant pet, instant dead rin dahil pagdating hapon ay patay na sila, inililibing ko pa ‘yon sa bakuran namin at nilalagyan ko pa ng krus ang puntod nila, inaalis naman ng Lola ko kase nagmumukha raw sementeryo ang bakuran. At tuwing hapon naman kapag nasa school ako, pumupunta ang Lola ko sa mga dasalan. S’yempre kapag may dasalan.. may meryenda! Pero hindi kumakain ang Lola ko, itinatabi n’ya ‘yong meryenda n’ya, tapos ibinibigay n’ya sa akin pagdating n’ya sa bahay, egg sandwich palagi na nakabalot sa tissue pero masarap!
Ang sarap mabuhay sa piling ni Lola, pero sabi nga, lahat daw ay may hangganan. Naging mahina na ang Lola ko, naging sakitin at madalas na siyang lagging nakahiga. Third year high school na ako no’n nang magkasakit s’ya. Pero ‘di ko iniwan ang Lola ko, ‘di rin naman s’ya kinuha ng Tito ko. Siguro dahil walking distance lang naman ang bahay ni Lola sa bahay nila, madali akong makapupunta sa kanila kapag may nangyaring masama kay Lola. Kung sa amin naman e masyadong malayo. Hanggang sa naging ulyanin na si Lola. Maski sa pagtulog naming ay umiihi na siya sa kama. Kaya nagpasya na sila Tatay na dalhin na lamang sa hospital si Lola.
Nakarecover pa ang Lola ko, pero ‘di ko na siya kasama. Kay Tito na s’ya nanirahan, at sa sariling bahay na namin ako umuuwi kahit malayo sa school, ayaw ko kaseng magstay sa bahay ni Lola dahil wala akong kasama. Nadadalaw ko naman ang Lola ko t’wing tanghali, pero hindi ako nagtatagal sa bahay ng Tito ko. Hindi kase ako komportable doon at naiilang ako sa mga pinsan ko. Pinag-iisipan nila ako ng masama, kapag pumupunta kase ako sa kanila ay binibigyan ako ni Lola ng pera. Ako daw ang paboritong apo kaya sinasamantala ko ang kabaitan ni Lola. Sumama lalo ang loob ko sa mga pinsan ko dahil sa narinig kong allowance lang daw ang habol ko kay Lola kaya ako pumupunta sa kanila. Simula no’n, naging madalang na ang pagdalaw kokay Lola. Inisip ko na lang na hindi naman nila pababayaan si Lola.
Hanggang sa nabalitaan kong isinugod na naman sa hospital si Lola. Dumalaw agad ako, mahina na talaga si Lola, hindi ko na siya makausap nang maayos. Halos nadoble ang kanyang pagka-ulyanin. Ang tawag niya sa akin ay “Tato”, pangalan ng Tatay ko. Hindi ko matagalan ang pagtitig sa kanya, tila may isang karayom na tumutusok sa puso ko, pinipigil ko lang ang luha ko. Kaya hindi rin ako makatagal sa hospital.
Bakasyon na kami noon nang sinabi sa akin ng pinsan ko na inilabas na raw sa hospital si Lola, s’yempre bigla akong sumaya. Pumunta agad akong palengke para bumili ng prutas para ibigay kay Lola. Pero pagdating ko kina Tito ay wala na pala si Lola. Kaya lang pala siya inilabas sa hospital kase patay na siya. Akala ko nakarecover pa s’ya. Ansakit sa pakiramdam, naibato ko sa pader ang mga prutas na dala ko, pero wala naman akong magagawa kundi tanggapin ang katotohanan. Tulad noon, hindi ako umiyak. Hindi.
Hanggang sa mailibing na si Lola, ‘di ko alam na may tampo pala sa akin sila Tatay. Mas inuna ko pa raw ang iba at mas iniyakan ko pa raw ang kaibigan kong kamamatay lang din. Hindi na lang ako kumibo, sana, alam nila kung gaano kasakit para sa akin ang pagkawala ni Lola.
Ngunit hanggang ngayon, para sa akin ay hindi lamang siya isang alaala, siya’y tanglaw sa isang madilim na daan.
Madalas ko ring dalawin ang kanyang puntod para kausapin s’ya. Lalo na kapag problemado ako at sa kanya ko lang maaaring sabihin ang mga hinanakit ko, na siya lang ang nakakaintindi sa akin, na siya lang ang p’wede kong iyakan.
Kayrami pang nais kong itanong, at sana hindi siya magalit sa tinatahak kong landas. Alam kong mauunawaan niya ako kahit dumating ako sa pinakaayaw niyang sitwasyon. At alam kong hahanapin ako ng Lola ko kapag nawala ako, siya lang ang makakaalam, magkakasama kaming muli, at muli kaming iluluwal sa isang tulang walang pagluluksa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment