Sunday, April 21, 2013
Apat Na Tulang Alay Sa Mga Manggagawang Bukid Sa Hacienda Luisita
i
Matapos ang gulo't pang-aapi ng mga tulisan-
ramdam ko ang siphayo ng kapaligiran.
Dumadampi sa akin ang hangin ng kalungkutan.
Humihiyaw ang isip ko.
Gusto kong umiyak.
Ngunit nadidiktahan ko pa ang aking mga mata-
na pigilan ang pagpatak ng luha.
Ayaw kong--
ipakita
ipadama
ibulong
ang kawalan ng pag-asa.
Pag-asang naglalaho dahil sa aking nakikita.
Napatigalgal ako sa nasusunog na kubo--
bahagya na ang ningas.
Ngunit ang usok na nagmumula dito ay tila isang pisi-
pumupulupot sa akin.
Mahigpit-
nahihirapan akong huminga.
Habang nauupos ang kubo-
nauupos ang aking pangarap
nalalasap ko ang hapdi.
Ngunit ayaw kong ipakita-
sa aking mga kasama ang kawalan ng pag-asa.
Napatigalgal ako sa naupos na kubo.
Ang mga haligi ay naglaho na.
Ang pawid ay naglaho na.
Ang mga gamit ay na-abo na.
Hindi na mapipigil--
papatak na ang luhang kanina ko pa inaalipin.
Ngunit, nilapitan ako ng aking kasama-
kanina pa pala ako pinagmamasdan.
Tapik sa balikat, ako'y kinausap.
"Hindi hadlang kahit kinakalawang na ang sundang--
kahit ito'y bingaw, wika nya.
Ang pagpapasiya nating kumawala sa tanikala ng kasamaan-
ang magsisilbing talim ng sundang;
para tarakan-
ang panginoon ng kasakiman."
ii
Inipon ng hangin ang mga tuyong dahong nalaglag mula sa puno.
Inilalarawan ang pagbulusok ngunit may pagkakaisa.
Masigasig ang hanging bumubulong-
humihiling ng panibagong rebolusyon.
Maraming dahon ang nalagas-
ngunit alam kong mas maraming pumalit.
"Alam kong babalik ang mga tulisan-
binibilang nila ang paglipas ng mga araw.
Mabango ang ating mga pawis-
naaamoy nila ang pagsibol ng ating pinaghirapan."
Huwag mabahala-
nakahanda tayo sa bawat pinsala.
Patuloy man dumanak ang dugo dahil sa digma
bawat dugong papatak ay didilig sa lupa,
sisibol at yayabong ang mga puno't magkakasanga.
Hahaba ang mga ugat na magiging sanhi ng pagkakaroon-
ng bitak at lamat sa sementadong daan
na kanilang tinatahak.
Hanggang sa-
sila'y hindi na makarating at tayo'y hindi na muling gambalain.
O
hanggang sa-
sila'y makasama sa pagkawasak ng sementadong daan.
Subalit hindi ko hihilalin ang panahon
gusto kong masaksihan
ang kapayapaang may katarungan-
walang karuwagan.
At
nakangiting sasabihing--
"ang dugong dumadaloy sa atin,
ang bumubuhay sa puno,
hangga't tayo'y nagkakaisa
humihigpit ang kapit ng ugat.
Hindi matutumba ang puno at ang pakikibaka-
tayo'y mga dahong hindi malalanta."
iii
matalas ang ningas ng apoy
sa nagliliyab na dayami
lantad ang talim
sa tulong ng dilim
hangin ang gabud
sa lumiliyab na dalangin
hindi lamang barikada ang talim
ipararamdam ng hangin
ang pangil ng lagim
pipihit
ang galit
papalapit
ang ebolusyon
n g r e b o l u s y o n
masusunog ang langaw ng mga langaw
magliliyab ang katawan ng mga kawatan
iitim ang dugo ng mga dugo
hindi makikilala ang ubo ng mga abo
tanging bakas lang ng lakas
sa liyab ng pagpupugay
ang mangingibabaw.
iv
Mataas na'ng sikat ng araw
Matapos mangibabaw
Ang palahaw ng tagumpay
Abo na'ng mga tulisang
Pinilit sakupin
Ang lupang kinagisnan.
"Pagpupugay!
Sigaw ng isang magsasakang
Nagpatunay
Na kailangang buhay mismo ang alay
Sa digmaan.
Sa susunod na ihip ng hangin....
mapapayad na'ng mga abo
nila't magiging pataba,
Sa lupang inaalayan natin
Ng laya."
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment