Sunday, April 21, 2013

Nang Magtagpo-tagpo Ang Mga Larawan Sa Panaginip Na Hinangad Na Maging Bangungot

parang mga kaibigang
matagal na hindi nagkita
ng ilang taon
na nagkumustahan
ang mga lumang larawan
at inaaninag na kasalukuyan.

tulad rin ng imaheng palaisipan
na mayroong isang puwang
na hindi malapatan
ng kasagutan.

marahil,
ang paghahangad
na maging bangungot
ang bawat panaginip
dahil sa pumupurol na isip
kaya't lumalabo
ang parating na
bagong larawan.

ang mga larawang
walang
katiyakang
iluluwal kung darating
pa ang bukas
na sa bawat kumpas
ng oras ay maaari ring
kumupas.

parang mga kaibigang
matagal na hindi nagkita
ng ilang taon
na nagkumustahan
ang mga lumang larawan

malapit na ang umaga
nang maaninag kong
hindi ako nag-iisa
sa isang larawang
napulot ko sa aking panaginip.

ayaw ko munang magising
hindi dahil hinablot na ako ng bangungot.

gusto ko lang iwanan ang poot
at gunitain
ang mga lumang larawang
may tawa't ngiti.
at sa paggising
ay maging baon
sa pagbangon
sa muling paghipig
ay may pag-ibig
na lalapat
at nararapat
lamang
sa puwang
sa imaheng palaisipan

ng aking panaginip
na hindi ko na hahangaring

maging
bangungot.

No comments:

Post a Comment