Sunday, April 21, 2013

Hindi Ito Ang Tulang Hinahanap Mo

marahil, hahanapin mo
sa tulang ito
ang talinhagang papatok
sa literatura ng mga-
premyadong makata't manunulat.
mga tugmang sinukat
sa pamantasan
ng matatayog sa sarili.

wala sa tulang ito
ang hinahanap mo.
wala sa bawat taludtod
o metapora
na kung papaliha'y
walang matitira,
maski pamagat.

at hindi mga bulaklak
na namumukadkad
o pagroromansahan
ng dalawang nag-iibigan
ang imaheng makikita
sa tulang ito.

walang libog.

ano nga naman ba
ang tulang ito para sa iyo?
na naglakbay
sa kung saan-saan;
sa matataas na talahiban
sa lupang sakahan
sa picket line
sa pabrika ng mga ganid
sa giniba-gibang bahay
sa giniba-gibang pangarap.

wala sa tulang ito
ang hinahanap mo.
'yong tipong
maaaring isabit sa dingding
at pupurihin ng mga kainuman
tuwing may hapi-hapi kayo.
at hindi ito maaaring bigkasin
habang nagkakape kayo ng prof mo
sa starbucks.
o dili kaya'y sa poetry reading
na tinatawag mong listening party.

wala talaga sa tulang ito
ang hinahanap mo.
hindi ito pwedeng isama o isali
sa mga patimpalak
o maski saang palihan.

alam kong sasabihin mong:
slogan ang tulang ito.

isang mahabang slogan.

malaya kang tawaging-
slogan ang tulang ito.

dahil ang tulang ito'y-
pinalihan kasama ang masa.
sa mga araw at gabing may takot-
at panganib na nakaamba.

hindi lamang dahil-
nakapanood ng rali,
nakisunod sa uso
naki-harlem shake
o kung ano pa man
kaya naging tula
itong tula
na maaari ring
hindi mo tawaging

tula.

hindi ito tulang iniisip mo
tulad ng malikot mong imahinasyon
at mga abstract na bagay.

oo.
hindi talaga.

isang mahabang slogan
at isang paglalakbay
ng mga salita
na hindi maaaring huminto't magpahinga
hangga't walang laya
itong tula
sa malaya mong pagtula.

No comments:

Post a Comment