Tuesday, April 30, 2013

Kung Hindi Lang Sana Namamatay Ang Apoy Ng Kandila



"Hindi lang katawan niya ang nais kong makita, hinahanap ko rin ang kanyang puso't diwa-- nais ko ring maramdaman ang kanyang yakap at marinig muli ang kanyang tinig."

Sa tuwing may pumapanaw
at may naiiwan-
nakikita ko sa kanilang mga mata ang emosyon at pangungulila.
Nakikita ko
ang mga matang inaalipin ng luha.
Hanggang sa huli-
hindi sapat kung mata lang ng mga naiwan ang maghahatid sa huling hantungan.

Nais nilang isama ang kanilang puso at diwa.

Pero naisip ko
darating ang araw-
matatanggap din nila ang pagkawala ng mga mahal nila sa buhay.

Hindi naman panghabambuhay ang pagluluksa.

Hindi tulad ng mga nawawala.
Hindi sigurado sa pag-asang sila'y muling makababalik.

Sa bawat araw ng pangungulila-
Pananalangin at pagtitirik na lang ng kandila ang laging nagagawa.

Umaasang makikita ng mga mahal nila
ang liwanag ng kandila kung saan sila naroon.
At maging gabay upang sila'y makabalik.

Ngunit
sadya yatang nilikha ang nagngangalit na hangin
para sa putok ng baril at pagpapahirap.

Na umiihip sa apoy ng kandila
Na nagiging sanhi ng walang hanggang-

pagluluksa.


Para kay Jonas Burgos, Felix Moron at iba pang desaparecidos.

No comments:

Post a Comment