Sunday, April 21, 2013

Junk VFA

i

ahas

dahil sa basbas
ng isang pangahas,

pipihit
papalapit

ang mapanganib na ahas

lilingkis
at lalason
sa 'yong;

kalayaan.


ii

huwag kang lalapit


Paulit-ulit ko nang hinabol
Ang aking hiningang
Kasing bilis ng kidlat
Nang hubaran ako ng prinsipyo
Paulit-ulit na rin akong namatay
Na mulat ang mata't
Umuungol
Sa loob ng kulungang
Tila hawla't ako'y ibong
Tumatanaw sa malakaluluwang
Kinakalawang na lipunan

Ilang ulit na rin akong
Ginahasa't
Pinagpasasaan
Pinagpasa-pasahan
Winasak ang puring iniingat-ingatan
Tulad ng maraming Nicole

Tulad ng maraming Nicole
Kaya't may tulad pang
Adriana Sangalang
o Gliceria Villavicencio
Na muli't muling babangon
Sa kinasasadlakang putik
Ng budhing sabwatang
Nakapiring sa mga bantang
Hindi lamang nakaamba

Narito sila,
Paulit-ulit pa ring inilalaan
Ang buhay na nagluluwal
Ng maraming Macario Sakay
Na naging imortal sa tula

Ng napakaraming Macario Sakay
Na naging imortal sa diwa

Tulad ng maraming Bonifacio
Lalaban
At babangon

Ano pa ba'ng ikinatatakot?
Kung naranasan na namin ang
Lahat ng pasakit
Pagkataong sakal
Sa hapdi
Ng mga tinamong sugat
Na hindi lamang lumatay
Sa aming balat;
Tumatak sa puso't isip
Ang lahat.

Kaya hangga't maaari
Huwag mong pangahasang tapakan
Ang lupang aming inaapakan
Hangga't maaari...


Huwag kang lalapit.

No comments:

Post a Comment