Sunday, April 21, 2013

Sa Istasyon Ng Panaginip at Sa Mga Nag-aabang Na Bangungot


bawat gabing inaanyayahan
ang aking sarili-- na ipagtanggol
ang nagmamaktol na kalamnan
at utak na pumupurol.
kaydaling sabihin ng iba: tumatandang paurong.
ngunit, kaybigat ihakbang pasulong
nitong mga paa.
tahakin ang daanang nagsibulan ang patibong
na ako mismo ang nagpunla
sa pagbagtas sa madilim na hinaharap
upang iwanan ako ng sarili kong anino
na sana'y bumatok sa sarili ko,
wala na yatang natitirang respeto.

malayo pa nga itong umaga,
napakalayo.
hindi kailangang tantyahin
kung maaari pang itama ang pagkakamali
ng napakarami pang pagkakamali
sa bawat pakikipagtunggali.

No comments:

Post a Comment